Governor Mandanas muling nanumpa sa katungkulan, nagbahagi ng State of the Province Address

Tutuparin ng buong husay at katapatan. Nanumpa si Governor DoDo Mandanas bilang gobernador ng Lalawigan ng Batangas sa harap ni Supreme Court Justice Rosmari Carandang, habang tangan ng kanyang kabiyak na si Atty. Gina Reyes-Mandanas ang Bibliya at tumayong saksi sina dating Supreme Court Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez at ang kanyang mga kapatid, noong July 1, 2019 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City. Inset: Ibinahagi ni Gov. DoDo ang kanyang State of the Province Address pagkatapos ng oath taking ceremony. Photos: Edz Zabarte – Batangas Capitol PIO

Kumikilos at patuloy na magsusumikap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para mabigyan ang bawat Batangueño ng inspirasyon, pagkakataon at kakayahan “to dream, dare and deliver.”

Ito ang pangako at hamon ni Batangas Governor Hermilando “DoDo” I. Mandanas matapos siyang manumpa bilang re-elected Local Chief Executive ng Lalawigan ng Batangas, na ginanap sa DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-1 ng Hulyo 2019.

Pinangunahan ni Supreme Court Justice Rosmari Carandang ang oath taking ni Gov. Mandanas, na sinaksihan nina dating Supreme Court Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez at Atty. Gina Reyes-Mandanas.

1M+ Batangueño Vote

Nakakuha ng 1,077,389 votes si Gov. Mandanas sa nakaraang halalan, na sumasalamin sa tiwala ng mga kababayan matapos ang tatlong taon ng matapat at produktibong paglilingkod.  Ito ang pinakamataas na botong nakuha ng isang gobernador sa buong Pilipinas, na dinaig ang bilang ng nakalap na boto sa mga malalaking Lalawigan ng Cebu, Negros,  Cavite at Laguna.

Ulat sa Sambayanang Batangueño

Sa kanyang State of the Province Address, ibinahagi ng Batangas governor ang mga nagawa ng pamahalaang panlalawigan sa loob ng nakalipas na tatlong taon.

Sa larangan ng kalusugan, naisagawa ang pagsugpo at pagkontrol sa mga sakit, pagpapatupad ng healthy lifestyle at wellness program, pagsusulong ng child, adolescent, maternal at adult health care, at regular na pamimigay ng honorarium para sa mga baranga health workers at barangay nutrition scholars. Tuloy-tuloy din ang pagsasaayos ng mga pasilidad at kagamitan ng 12 district at provincial hospitals, na pangunahing takbuhan ng mga kababayang may pangangailangang medikal.  Halos 36,000 na rin ang mga aktibong benepisyaryo ng Batangas Health Card.

Sa edukasyon, naisakatuparan ang pagpapataas ng bilnag ng mga scholars sa halos 27,000, bukod sa pagpapagawa ng 82 bagong mga school buildings at open classrooms, pamamahagi ng laptop computers sa mga guro, tuloy tuloy na ayuda sa Brigada Eskwela, at suporta sa e-learnings at espesyal na mga paaralan para sa mga gifted students sa larangan ng agham, matematika at sining.

Sa mga programang kaugnay ng livelihood, naisulong ng Batangas Capitol ang milyong-milyong pisong halaga ng mga proyektong nakatuon sa mga kooperatiba; produksyon ng seaweeds, kape at dairy; coffee, cocoa, banana, rice, corn, mango at vegetables production; at, rural-based organizations’ livelihood.  Nakatulong din ang pamahalaan na makahanap ng trabaho ang mahigit 9,000 Batangueño sa pamamagitan ng mga job fairs.

Sa larangan naman ng protection of life, environment and properties, patuloy ang pagpapalakas ng kakayanan kaugnay sa disaster risk reduction management, pagpapaganap ng drug prevention efforts, at pagpapatupad ng mg hakbang upang mapangalagaan ang Taal Volcano Protected Landscape, Verde Island Passage, mga baybaying dagat, at iba pang likas yaman ng lalawigan. Buo rin ang suporta ng provincial government sa mga kababaihan, senior citizens, persons with disabilities at LGBT.

Do Do Do: Dream, Dare, Do

Sa pamamagitan ng magkakatulong na paglilingkod, mula sa ehekutibo, Sangguniang Panlalawigan at bawat opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan, ipinahayag ni Gov. Mandanas na inaasahang tatanghaling “center  for economic growth” sa bansa ang Batangas Province, sa susunod na limang taon.

“We will lead the way,” saad ni Gov. Mandanas, na, idinagdag na, buo ang paniniwala sa Diyos at sa mga kapwa Batangueño na sama-samang bubuo ng vision o dream, magpaplano (dare), at kikilos (do) patungo sa isang tunay na Rich Batangas.


Batangas Capitol PIO

Back To Top